martes, mayo 30, 2006
Haay... nakakalungkot... para akong nag-iisa... walang katuwang... walang nakaka-alala... walang kinukulit... walang nangungulit... walang malambing... walang nanlalambing... walang nagmamahal...
May isang tao, sinama ako sa isang mahabang paglalakad kung saan ako makakahanap ng saya na kapiling ko siya. Magkasama kaming tatahak sa isang daan na hindi ko pa napupuntahan. Natatakot ako pero nangako siya na hindi niya ako iiwan at panghabang buhay kaming magsasama.
Pero parang ako yung nawalan; biglaan siyang nawala. Naglalakad ako sa landas na nag-iisa. Inaasam yung mga panahon na sana kasama ko siya, pero kahit saan ako lumingon, walang sign na naanjan lang siya. Pakiramdam ko ang lungkot lungkot, akala ko kasi hindi ako iiwan sa ere. Pero ayokong ipaalam sa kanya, ang layo na ng nalakad ko eh.
Ngayon, naglalakad pa rin ako. Gusto ko mang lumingon, ayoko. Natatakot ako na baka walang sumalo sa likuran ko. Determinado akong marating ang dulo ng landas ko ng nag-iisa.
Ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana... andami kong nakakasalubong na mga taong kasabay ko sa aking paglalakad na magkasamang naglalakad. May kakwentuhan, may kaakbay, masaya sila, tumatawa, nagkukulitan, naghaharutan, may nagtatampuhan pero atleast magkasama. Napatingin ako sa gilid ko, wala akong kasabay. Tumingin ako sa mga kamay at balikat ko; walang nakahawak, wala ring naka-akbay. Lumingon ako sa likod; walang humahabol sa akin, walang tumatawag sa pangalan ko.
Gusto ko sanang makisama sa mga taong nakakasabay ko pero, wala akong puwang. Pang-dalawahan lang kasi ang lakad na ito. Inisip ko, naku sana kung alam ko lang, nagsama din ako ng kasama ano? Natahimik ako... meron sana akong gustong isama sa hirap at saya man ng paglalakad ko pero nawala siya. Iniwan na niya ako, hindi na ako importante sa buhay niya. May mga bagay na naging masimportante, nawala na ako sa isip niya... parang nawalan na ako ng halaga sa kanya. Kung meron, sana naglalakad ako ngayon kasama siya.
Naglalakad pa rin ako. Minsan napapatingin na lang sa mga kasabay ko. Kung minsan binabagalan kong maglakad baka sakaling may gustong sumabay sa akin. Kung wala man, tinitignan ko na lang at pinagmamasdan ang mga taong nasa harapan kong naglalakad din. Nakakatuwa nga silang pagmasdan, parang palabas sa tv. Nakikinig ka sa mga usapan nila, sa mga tampuhan, sa drama, comedy o minsan kahit action.
Hindi ko napansin, ang bilis pala ng panahon. Mag-iisang buwan na rin akong naglalakad mag-isa. Ang layo na rin ng narating ko pero malayo pa ang lalakbayin ko. Sana habulin niya ako, may iniwan akong mga bakas... mga bakas ng luha ko habang naglalakad mag-isa; simula ng bigla niya akong iniwan. Sana hindi siya matuyo ng hangin at sana hindi siya mabuhusan ng ulan.
Naisip kong huminto muna sa paglalakad at hintayin ko siya. Pero walang kasiguraduhan na may hinihintay pa ako. Mukha namang okay siya kahit wala ako. Mukha naman siyang masaya at kuntento. Ayokong mamilit ng tao na samahan ako sa paglalakad. Kung gusto niya, may paraan. Kung ayaw niya, walang namimilit...
Eto... naglalakad pa rin ako mag-isa... hanggang kailan kaya ako maglalakad mag-isa? Wala namang short-cut sa daan na ito. Kung meron man, mawawalan siya ng kahulugan sa buhay ko. Dadating pa kaya siya?
Ayokong umasa. Napatunayan ko sa sarili ko na nakayanan ko ng maglakad mag-isa. Kahit wala siya - kahit dumating sa desperate times na kinailangan ko man ng presence niya at tulong niya; pero hindi siya dumadating - nakaya kong mag-isa. Pero malungkot maglakad mag-isa. Kung alam ko lang magiging ganito kahirap ang lakbay na ito... sana hindi ko sinimulan ng masmaaga. Sana naghintay nalang ako hanggang sa may dumating na handa akong samahan hanggang sa dulo at hindi niya ako iiwan. O kaya, sana hindi na ako pumayag na sumama sa kanya kung alam kong mawawala at mawawala rin siya.
Hindi ko na ngayon matandaan ang purpose ng paglalakad kong ito. Nalalabuan ako. Kayanin ko man mag-isa, ang lungkot naman. Buti pa ang iba, mga naglalakad na nadaanan ko... naglalakad na sila pauwi. Nadaanan na nila ang rurok ng landas na ito. Buti pa sila may katuwang sa saya na nadama nila sa pagdating doon. Buti pa sila...
Puro mga pangakong nabitiwan, mga pangako na pagkatapos ng ilang linggo o buwan ay nakalimutan, mga pangakong sinabi ng salita, mga pangakong pampalubang loob... Pangako sana na magbibigay ng panghabangbuhay na saya at puro pagmamahal kapiling niya.
Asan siya? Eh ayun... -back to reality- sa palagay ko nasa bahay, naglalaro ng playstation 2/xbox/computer o kaya eh nasa labas nanonood ng sine. Baka naman gumigimik with friends or nasa outing kaya with friends. Ewan ko, wala na akong balita. Hindi ko na siya kinakamusta. Napapagod lang ako, para akong tanga na nagpapapansin. Para akong bata na nakikipag-agawan ng attention sa isang taong nakatunganga sa harapan ng tv. Pero, tulad ng isang bata, napapagod din ako, umiiyak, nagtatampo, hindi umiimik, nagdadabog, naka-upo sa isang sulok.
Haay... ang sakit pala ng alam mong alam niya na naanjan ka pero ini-ignore ka lang. Nakipagmatigasan ako pero hindi ko kayang tapatan yung tigas at tagal ng pagtitiis niya. Hindi ko siya pipilitin, hindi na ako iimik, hindi ko na siya lalapitan, wala na siyang maririnig galing sa akin.
Sino ba naman ako sa kanya? Sino ba ako sa iyo? Wala... parang ano... siguro.. pangalan lang ako. Taong hindi nag-eexist sa mundo na kinagagalawan niya. Hindi kaya naligaw ako ng landas na dapat kong lakarin?
I thought this time around, this relationship will be much better than before. I was fooled by that thought. - balik sa pagtatagalog - Ngayon ko napagtanto yung sakit ng linya sa kanta ---> "Now I sit all alone, wishing all my feelings was gone... I gave my best to you."
"Ang apoy para tumagal, kailangan palaging nilalagyan ng kahoy."